-- Advertisements --

Posibleng matatapos na ng Department of Agriculture (DA) ang ginagawang pag-aaral sa maximum suggested retail price (MSRP) para sa karne ng baboy sa loob ng dalawang lingo.

Una nang sinimulan ang pag-aaral sa posibleng pagpapatupad ng MSRP sa mga pork products sa pagnanais na mabantayan ang pagsipa ng presyo ng karne ng baboy.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maraming mga salik na kailangang ikunsidera ng team na nagsasagawa ng pag-aaral tulad ng supply, presyuhan, demand, at ang iba pang bagay tulad ng posibilidad ng profiteering at pagmamanipula sa presyo.

Kung mapatunayan aniya na may nangyayaring profiteering, tiyak na magpapatupad ang DA ang MSRP.

Kailangan din aniyang matapos ang mga serye ng konsultasyonsa lahat ng stakeholder sa pork industry upang matukoy ang akmang hakbang.

Sa ngayon, tumanggi munang magbigay ang DA ng MSRP range habang inaaral pa ang magiging epekto sa presyo at kita ng mga nagbebenta ng karne ng baboy.

Batay sa report ng DA Bantay Presyo, ang presyo ng pork kasim sa Metro Manila ay naglalaro mula P345/kg hanggang P420/kg, habang ang pork liempo (belly) ay naglalaro mula P380/kg hanggang P480/kg.