Aprubado na ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) ang pag-aaral na nakapokus sa evaluation at validation ng rapid antibody tests para sa COVID-19.
Ginawa ni DOST Sec. Fortunato de la Peña ang anunsyo sa kanyang weekly report sa Facebook, kung saan pangungunahan ni Dr. Leonila Dans ng University of the Philippines (UP)–Manila ang proyekto.
Sinabi ni de la Peña, susuriin dito ang bisa ng rapid antibody tests sa acute (mas mababa o nasa 14 araw) at convalescent (mahigit sa 14 araw) phases ng sakit gamit ang representative sample na kinuha sa mga Pinoy na suspected carrier ng virus.
Kalakip ang pondong P19.1-milyon, tatakbo ang proyekto ng siyam na buwan pero nilinaw ng kalihim na maaari na ring makuha ang resulta sa loob lamang ng tatlong buwan.
Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), mas mabilis maglabas ng resulta ang rapid antibody test kits kumpara sa Polymerase Chain Reaction (PCR) based kits, pero tanging mga may kasanayang health professionals lamang ang maaaring mag-evaluate at mag-interpret ng mga resulta nito.
“A positive result due to cross reaction with other bacteria or viruses is also possible which is why a confirmatory PCR based test is still required,” paliwanag ni FDA Director-General Eric Domingo.