-- Advertisements --

Posibleng abutin pa ng ilang linggo ang pag-aaral sa narekober na submersible drone sa San Pascual, Masbate, ayon sa Philippine Navy (PN).

Sa kasalukuyan ay sumasailalim na sa forensic analysis ang naturang drone para matukoy ang pinagmulan o origin, purpose, at technical specifications nito.

Pero ayon kay Philippine Navy Spokesperson Commodore John Percie Alcos, maaaring abutin pa ng anim hanggang walong linggo bago tuluyang matukoy ang lahat ng mga ito.

Ayon sa ahensiya, ikinokonsidera ng PN bilang seryosong usapin ang narekober na drone at binabantayan ang kabuuang pag-aaral at analysis dito.

Unang ipinasakamay ng Philippine National Police (PNP) ang naturang drone sa Philippine Navy noong December 31, 2024 at agad itong isinailalim sa pagsusuri.

Ito ay may diametro na 24 centimeters, may habang 3.5 meters, at may bigat na 94 kilograms.

Maliban sa kulay na dilaw, kapansin-pansin din ang marka nitong HY-119.