LAOAG CITY – Pag-uusapan pa ng pamahalaan sa Estados Unidos ang pondong gagamitin para ayusin ang nasirang tulay sa Baltimore.
Ito ang report ni Bombo International News Correspondent Flor Pantalunan-Dinglas sa Maryland sa panayam ng Bombo Radyo Laoag.
Sinabi ni Dinglas na nangako ang kanilang gobyerno na sa oras na maihanda ang gagamiting pondo ay sisimulan agad ang pagsasaayos sa nasabing tulay.
Dagdag niya na aminado ang pamahalaan na posibleng taon ang hihintayin bago tuluyang maayos ang nasabing tulay, lalo na at hindi biro ang pondong gagastusin para rito dahil bilyong dolyar ang kailangan.
Samantala, idineklara na rin ng mga opisyal na patay na lahat ang mga anim na indibidual na nawawala simula nang nabangga ng Singapore-flagged Dali ang tulay sa Baltimore matapos ang ilang araw na paghahanap sa kanila.