BACOLOD CITY – Sinisiyasat na ng mga otoridad ang closed circuit television (CCTV) camera kung saan nakuhanan ang pag-abduct sa retiradong pulis sa lobby ng isang hotel sa Lungsod ng Bacolod nitong April 19.
Nakita sa 18-second CCTV video na inilabas ng Police Regional Office (PRO)-6 ang pagkuha ng armadong kalalakihan kay Major Lito Pirote sa loob ng Metro Inn lobby.
Isinakay ng armadong kalalakihan si Pirote sa isang puting Toyota Hi-Ace (YS4514) bandang alas-11:10 ng umaga sa 6th Street, Barangay 7.
Si Pirote ay dating naka-assign sa Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group ng Philippine National Police (PNP) at napasama rin ang pangalan nito sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sinasabing narco-cops.
Sinabi ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde na posibleng may kaugnayan sa iligal na druga ang motibo sa pag-abduct sa dating pulis.
Ayon naman kay PRO-6 Director B/Gen. John Bulalacao, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa kaso.