Nangangamba si Ozamiz City police chief, Chief Inspector Jovie Espenido, na malaki ang magiging epekto sa kaso ni Sen. Leila de Lima sa pag-abswelto ng National Prosecution Service (NPS) sa drug trafficking case ni Kerwin Espinosa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Espenido, inamin niya na hindi niya akalain na mangyayari ang pag-abswelto kay Espinosa, Peter Co, Marcelo Adorco, Max Miro at Lovely Impal.
Nagtataka rin daw si Espenido na mismong nagmula na sa mga bibig at pahayag ni Espinosa na sangkot siya sa illegal drugs sa ginawang pagharap nito sa Senate investigation at sa Kamara pero sa ngayon ay nakalusot pa.
Kung babalikan noong November 23, 2016, inihayag ni Espinosa sa harap ng mga senador na umaabot umano sa P8 million ang kanyang ibinigay na installmensts bilang bahagi ng campaign fund sa senatorial candidacy ni De Lima sa pamamagitan ng dati nitong driver na si Ronnie Dayan.
Idinawit pa noon ni Kerwin si Espenido na siya raw ang nagpakilala kay Dayan.
Si Espenido naman daw ay nagpakilalang driver ni De Lima.
Noong November 2015 ay nakaharap umano ni Espinosa si De Lima sa Burnham Park sa Baguio City at may kuha pa silang larawan. Ipinakilala raw siya ni Dayan sa senadora sa codename na “Batman.”
Si De Lima na nahaharap sa multiple case ng drug trafficking ay mahigit isang taon na ring nakakulong sa PNP Custudial Center.
Samantala, bagamat malaki ang papel ni Espenido sa pagkalap ng ebidensiya at pagkuha ng testigo laban kay Espinosa, hugas kamay naman ito sa kaso laban dito dahil hawak na ito ng PNP-Criminal Ivestigation and Detection Group-Major Crimes Investigation Unit (PNP-CIDG-MCIU).
Naintindihan naman daw niya kung may problema sa kakulangan ng ebidensiya at kung bakit hindi nadiin si Espinosa, Lim at si Impal.
Gayunman, nagtataka rin umano si Espenido na si Impal na tinagurian ding “drug queen” ay inabswelto na kung tutusin umano ay mas malaki pa ito kay Espinosa.
Habang ang isa pang naabswelto na si Miro, na dating sumuko kay Espenido noong siya pa ang hepe ng pulisya sa Albuera, Leyte ay napatay naman nitong nakalipas lamang na araw sa Ormoc City.