Itinuturing na “propaganda” lamang ng teroristang ISIS ang pag-ako nito na sila ang nasa likod ng madugong twin bombing sa Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu nitong Linggo na ikinasawi ng 20 katao habang 117 ang sugatan.
Sa mensaheng ipinadala ni AFP Spokesperson B/Gen. Edgard Arevalo, kaniyang sinabi na nais lamang sumakay sa sitwasyon ang ISIS.
Inihayag ni Arevalo na kahit noon pa man ay inaako ng ISIS ang ilang insidente ng karahasan kahit hindi sila ang may gawa.
Una nang tinukoy ng Western Mindanao Command na paghihiganti raw ang motibo ng Ajang-Ajang group dahil sa pagkamatay ng isang Abu Sayyaf Group (ASG) subleader, batay sa nakuhang CCTV footage.
Pero ayon sa PNP, tukoy na nila ang isa sa mga suspected bombers na nakilalang si alias Kamah kapatid ng napatay sa ASG leader.
“That’s still a propaganda as at this time. They have been doing false claims in the past. An example is the Resorts World incident,” pahayag ni Arevalo.
Samantala, ayon naman kay PNP Spokesperson S/Supt. Bernard Banac malaking banta pa rin sa seguridad ng bansa ang teroristang ISIS na siya ring dahilan para palawigin pa ang Martial Law sa Mindanao.
Pero sinabi ni Banac, masyado pang maaga para sabihin na hindi epektibo ang batas militar gayong nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
Sa katunayan batay sa kanilang datos naging maganda ang peace and order sa Mindanao dahil sa umiiral na martial law.