Naniniwala ang militar na propaganda lang ng ISIS ang kanilang pag-ako sa kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu.
Ayon kay 11th Infantry Division at Joint Task Force Sulu Commander BGen. William Gonzales, palagi naman inaako ng ISIS ng ang mga ganitong insidente para magpasikat.
Sa ngayon aniya, ang Abu Sayyaf parin ang kanilang pinaghihinalaang nasa likod ng dalawang magkasunod na pagsabog na isinagawa ng dalawang babaeng suicide bombers.
” Actually wala akong natatanggap na report, pero kung saan man nakuha yang ganyang report, propaganda lang yan, alam mo naman ang yung ISIS, mahilig sila sa mga propaganda para sumikat sila, yan naman ang talagang kanilang mga strategy, iclaim kung ano man basta ISIS ganyan,” pahayag ni BGen. Gonzales.
Samantala, sumampa na sa walong sundalo ang nasawi sa nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo,Sulu.
Kinilala ng Western Mindanao Command (Wesmincom) ang walong sundalo na sina SSg Louie Cuarteros, SSg Manauelito Oria, Pvt John Rey Paller, Pvt James Apolinario, Pvt Juvienjay Emlani, Pvt John John Agustin, Pvt Omar Muksan at Pvt Aiub Sahid.