LAOAG CITY – Itinuturing ni Atty. Neri Javier Colmenares, Presidential Adviser on Human Rights ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), na “drama” o “pamapogi” ang naging pahayag ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa senate hearing na pag-ako niya ng responsibilidad sa mga operasyon kontra illegal na droga noong kanyang administrasyon.
Ayon kay Colmenares, dapat alam ni Duterte na hindi maaaring gawing depensa ang “illegal orders” sa ilalim ng batas ng Pilipinas at kahit pa na inaako niya ang responsibilidad, hindi ito magpapawalang-sala ang mga nasangkot na pulis dahil ang utos niya ay ilegal.
Dagdag pa niya, kahit layunin ni Duterte na linisin ang kanyang pangalan, hindi na nito mababawi ang nanging statement na pag-amin niya na inudyukan niya ang mga pulis na hikayatin na “lumaban” ang mga drug suspect at kung lumaban sila ay papatayin nila ang mga ito.
Binigyang-diin din ni Colmenares na pinalalawak ng mga pahayag ni Duterte ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) at maaaring magdulot ito ng mas malalim na pagsusuri sa mga umano’y extrajudicial killings sa bansa.