LEGAZPI CITY — Mas mapapagaan pa umano ang bulsa ng mga magulang sa ibinabang kautusan ng Department of Education (DepEd) na wala nang isasagawang graduation rites ngayong taon para sa magtatapos na Kinder at Grade 10.
Ayon kay DepEd Bicol Director Gilbert Sadsad sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, batay ito sa DepEd Order 02-2019 at clarificatory memorandum order ni Usec. Lorna Dino na naglalaman na recognition, moving-up at completion ceremony na lamang ang isasagawa sa nasabing mga baitang.
Hindi na umano kailangan na magsuot ng toga ang mga ito at wala nang iba pang activities kung graduation.
Ayon kay Sadsad na naniniwala ang education experts na sa ilalim ng basic education, sa Senior High School at Grade 6 lamang dapat isagawa ang graduation rites.
Samantala, paliwanag naman ng director na wala ng dapat pang masyadong gastos ang mga magulang ng mga magtatapos ngayon taon o sa mga susunod pang taon dahil sakop na ito ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng paaralan.
Nagpaalala naman ang opisyal na hindi kabilang sa completion ang non-academic projects.