-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) chief Aaron Aquino ang pananambang-patay sa anim nilang mga ahente nitong Biyernes ng tanghali sa Kapai, Lanao del Sur.

Sa official statement na inilabas ni Aquino, sinabi nito na hindi katanggap-tanggap sa gobyerno, lalo na sa liderato ng PDEA, ang nangyaring pananambang na kagagawan ng mga “duwag.”

Tiniyak naman ni Aquino sa mga kamag-anak ng mga nasawing PDEA agents na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ani Aquino, isang full investigation ang isasagawa ng PDEA para mabatid kung sino ang nasa likod ng pananambang.

Siniguro ng opisyal na kanilang gagamitin ang lahat ng kanilang resources, mapanagot lang ang mga salarin.

Aniya, dahil sa insidente lalo pang palalakasin ng PDEA ang kanilang kampanyan laban sa iligal na droga.

Una rito, patungong Marawi City ang mga PDEA-ARMM agents nang tambangan sila kung saan dead on arrival ang lima habang pumanaw naman ang isa sa pagamutan.

“Kami po ay taos-pusong nakikiramay sa pamilya ng mga kasamahan nating nabiktima ng karahasang ito. Lalo lamang pong pagpapatunay ito na ang ating ginagawang pagbabantay kontra droga ay nararamdaman ng mga kriminal na ito,” mensahe ni Aquino.