Binalaan ni PNP Chief Oscar Albayalde ang lahat ng mga city at provincial police directors sa buong bansa na sisibakin sila sa puwesto kapag hindi mapanatili ang peace and order sa kani-kanilang mga areas of responsibility.
Kasama na dito ang pagsu-supervise sa kanilang mga tauhan para hindi masangkot sa mga iligal na aktibidad.
Ayon kay Albayalde, mahigpit pa ring umiiral ang “one strike policy” sa kanilang hanay kaya nararapat lamang na magtrabaho ang mga commanders at mahigpit na isupervise ang kanilang mga tauhan.
Nilinaw naman ni Albayalde na hindi naman nakakaalarma ang mga insidenteng pananambang sa mga ilang local government officials at ang pagkakasangkot ng ilang pulis sa kasong panggagahasa.
Pero aminado si Albayalde na siya raw ay concerned dito kaya pinatawag niya ang lahat ng mga city at provincial police directors sa buong bansa para personal na kausapin.
Kabilang sa pag-uusapan sa nasabing pulong ay ang security gaya sa naunsiyaming peacetalks ng gobyerno at CPP NPA NDF, problema sa terorismo partikular ang ISIS, ang nalalapit na midterm elections at ang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law.