-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Maituring umano na isang malaking legal disaster para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagdalo sa isinagawang pagdinig ng senado kung saan marami ang mga pag-amin nito patungkol sa ipinapatupad na war on drugs policy ng dating administrasyon.

Ito ang tugon ng international law expert at human rights lawyer na si Antonio ‘Tony’ La Viña ukol sa mga binanggit ni Duterte na nagmula sa kanya ang kautusan na paslangin ang suspected drug pushers kung lalaban sa mga otoridad.

Sinabi ni La Viña na tila napasok sa bitag si Duterte dahil sa mulawag na pagpapatakbo ni Senador Koko Pimentel sa pagdinig habang pinamunuan ang sub-blue ribbon committee kaya nakuha umano nito ang loob dahilan na maraming mabibigat na impormasyon lumalabas.

Aniya, matibay na umano na mga basehan ang nasabing mga impormasyon mula kay Duterte na magamit ng domestic legal action o kaya’y sa International Criminal Court na nag-iimbestiga rin sa isyu ng extra judicial killings sa bansa.

Magugunitang inulit ni Duterte na handa itong makulong mabigyang-proteksyon lang ng pangkalahatan laban sa mga sindikato ng ilegal na droga na kumikilos sa dito sa bansa.