-- Advertisements --

Isinusulong ng grupong binubuo ng mga tagasuporta nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr at dating Pangulong Rodrigo Duterte ang charter-change sa pamamagitan ng Constitutional convention (Con-Con) bilang mas mainam na paraan.

Ayon kay Atty. Orly De Guzman ng Partido Pederal ng Maharlika (PPM) sang-ayon ang mga ito na mahalaga ang pagbabago ng konstitusyon sa ngayon at ito aniya ay sa pamamagitan ng constitutional convention kung saan ang mga delegasyon ay itatalaga sa isang halalan na idaraos sa parehong petsa para sa local at national elections sa 2025.

Sinabi din ng grupo na nais nilang ganap na ma-overhaul ang konstitusyon taliwas sa isinusulong na pag-amyenda lamang sa economic provisions na umano’y magbebenipisyo lamang sa mga politiko at mga negosyante.

Nagpahayag din ng pagtutol ang grupo sa people’s initiative para sa cha-cha dahil kailangan umano ng bansa ng ganap na pagbabago ng konstitusyon.

Ang partido Pederal ng Maharlika ay binubuo ng mga founder ng Partido Federal ng Pilipinas at Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC).