Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia na kakailanganing maamyendahan ang 1987 Constitution para sa pagbuwag ng party-list system.
Ang pahayag na ito ni Garcia ay kasunod ng paghimok ni Pangulong Duterte sa papasok na administrasyon na agarang simulan ang proseso sa pag-amyenda sa Konstitusyon kaugnay sa rekomendasyon para sa pagbuwag ng party-list system sa gitna ng claims na ginagamit ng makakaliwang grupo ito para sirain ang gobyerno.
Ayon kay Garcia dapat na matukoy ang mga iba’t ibang sektor na papayagan na maging kinatawan ng Kongreso.
Sa pananaw ni Garcia bilang election lawyer, inirekomenda nito na tukuyin ang mga sektor o grupo na kailangang maging kinatawan ng Kongreso sa halip na ito ay buwagin.
Aniya, dapat ay mayroong definite na bilang ng congressional seats na ilalaan para sa bawat marginalized at underrepresented sector.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang mga party-list representatives ay binubuo ng 20 per centum ng kabuuang bilang ng mga representatives kabilang ang mga nasa ilalim ng party-list.
Ang mga natukoy na sector sa konstitusyon ay ang labor, peasant, urban poor, indigenous cultural communities, mga kababihan, kabataab at iba pang mga sektor salig sa batas maliban sa mga religious sektor.
Samantala, plano ng Comelec na iproklama ang party-list groups na mabibigyan ng spot sa House of Representatives ngayong linggo.