Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na anumang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ay dapat magresulta sa pagbaba ng presyo ng kuryente para sa kapakanan ng mga konsyumer na patuloy na nagtitiis ng mataas na presyo ng kuryente.
Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na kinakailangan nang repasuhin ang EPIRA.
Sinabi ng senador na sinusuportahan niya ang panawagan ng Pangulo na amyendahan ang EPIRA upang matugunan ang mga isyu tungkol sa sektor ng enerhiya kabilang na ang mataas na presyo.
Ayon sa mambabatas, dapat amyendahan ang EPIRA para mabigyan ng mas maraming ngipin ang Energy Regulatory Commission (ERC) laban sa mga industry players na bigong magpatupad ng kanilang mandato.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang ERC ay dapat magkaroon ng sapat na kapangyarihan upang ipatupad ang mandato nito na protektahan ang interes ng mga mamimili at ang charter nito ay dapat magsulong ng kalayaan, transparency, at accountability.