Inirerekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na amyendahan ang Human Security Act para mas epektibong malabanan ang terorismo sa bansa.
Ayon kay AFP spokesperson B/Gen. Edgard Arevalo, ang insidenteng pagpapasabog ng kauna- unahang Pilipinong suicide bomber sa Sulu ay indikasyon na hindi na naangkop ang ilang probisyon ng batas sa kasalukuyang sitwasyon.
Partikular na tinukoy ni Arevalo ang probisyon sa batas na nagpapataw ng P500,000 multa kada araw sa mga miyembro ng security forces na maaring nagkamali sa pagdetini ng suspected terrorist.
Sinabi ni Arevalo, kailangan din aniyang taasan ang otorisadong “period of confinement” ng mga suspected terrorists sa 30 araw mula sa kasalukuyang tatlong araw.
Paliwanag ng heneral nagbago na ang sitwasyon sa bansa kung saan kahit sino na ang pwedeng maging suicide bomber, hindi lang mga dayuhan.
Sinabi ni Arevalo na kakailanganin din ng militar at pulis ng tulong ng sambayanan sa pagpigil ng pag-usbong ng mga potential suicide bombers sa kanilang mga komunidad.