-- Advertisements --

Pinayagan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng mahigit 8,000 metrikong tonelada ng maliliit na frozen pelagic fish.

Ito ay para matugunan ang posibleng epekto ng mga nagdaang bagyo sa suplay ng mga lokal na isda sa bansa at sa gitna ng closed-fishing season na nagsimula noong Nobiyembre at pinalawig pa hanggang sa kalagitnaan ng Marso 2025.

Napagpasiyahan din ito matapos ang naging pagpupulong ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council.

Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na inaprubahan ni Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. ang importasyon ng karagdagang 8,280 MT ng frozen fish kabilang ang galunggong at mackerel.

Ilalaan naman ito para sa KADIWA ng Pangulo centers para mabigyan ng abot kayang pagkukunan ng protina ang mga vulnerable sector gaya ng indigent, persons with disabilities at senior citizens.

Ito ay maliban pa sa 30,000 MT ng frozen fish na nauna ng inaprubahang angkatin para sa huling kwarter ng 2024.