-- Advertisements --

DAVAO CITY – Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na uungkatin nito sa ASEAN Summit bukas ang pag-angkin ng China sa buong karagatan ng South China Sea.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa kanyang talumpati sa panunumpa ni Davao City vice mayor Sebastian “Baste” Duterte sa Sangguniang Panglunsod Building, Davao City bago ito umalis papuntang Bangkok, Thailand kung saan ito dadalo ng ika-34 na ASEAN Leaders’ Summit hanggang Linggo.

Sinabi ni Pangulong Duterte, magiging mahaba ang kanyang gagawing pagtalakay ngayong Sabado sa ginagawang hakbang na ito ng China at sana handa ang mga ASEAN leaders na makinig sa kanya ng dalawang oras.

Ayon kay Pangulong Duterte, simple ang kanyang tanong sa kaibigang China na tama ba ang pag-angkin ng buong karagatan dahil kung kaya nito, aangkinin din ng Estados Unidos ang buong Pacific Ocean at wala na ring padadaanin o papasuking ibang barko ang Pilipinas sa Sulu Sea.

Kasabay nito, inulit din ni Pangulong Duterte ang kanyang posisyong isang maritime incident lamang ang nangyaring pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank at dapat ipaubaya sa Philippine Coast Guard ang imbestigasyon.

Iginiit ni Pangulong Duterte na wala siyang balak magpadala ng “gray ship” o barko ng Philippine Navy dahil hudyat ito ng pakikipaggiyera, bagay na hindi niya papayagang mangyari.

Inihayag ni Duterte na hindi siya takot sa China pero ang kanyang kinakatakutan ay ang pagiging walang kalaban-laban ng Pilipinas sa missile ng China at tiyak na pag-alis pa lamang ng mga sundalo sa Palawan ay ubos na lahat.