Bibigyang prayoridad ng Kamara de Representantes ang pag-apruba sa panukalang badyet para sa 2025 sa ikatlong regular session ng 19th Congress, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ayon sa lider ng Kamara, ang pambansang pondo ang pinakamahalagang lehislasyon na pinapagtibay ng Kongreso taun-taon.
Nakatakdang ipanukala ng administrasyong Marcos ang P6.2 trilyong halaga ng pambansang pondo para sa susunod na taon.
Ngayong 2024 ang kabuuang badyet ng gobyerno ay P5.768 trilyon.
Magbubukas ang ikatlo at huling regular session ng 19th Congress sa Hulyo 22.
Sa panayam kay Romualdez matapos ang pamamahagi ng tulong pinansyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay para sa ating Disadvantaged at Displaced Workers (TUPAD) sa Tiaong, Quezon noong Biyernes ay nangako ito na patuloy na popondohan ng Kongreso ang mga programa para sa mga manggagawa.
Umaasa din ang lider ng Kamara na maaaprubahan ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law na makatutulong upang bumaba ang presyo ng bigas.
Bahagi ng panukala na maibalik ang ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng bigas sa publiko.
Sabi pa ni Speaker Romualdez na ang pasya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tapyasan ang taripang ipinapataw sa inaangkat na bigas mula 35 porsyento patungong 15 porsyento at ang direktang pagbebenta ng bigas ay makakatulong din sa pagpapababa ng presyo ng bigas.