Pinag-aaralan ng transport regulators sa bansa ang pag-apruba sa hirit na rush hour rate para sa mga pampublikong transportasyon.
Ito ay sa gitna na rin ng panawagan ng grupo ng transportasyon para sa nasabing rush hour rate kasunod ng muling pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Maging ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay aminado na labis at iregular ang pagtaas ng presyo ng petroleum products kayat pinaplantsa na nito ang pag-apruba sa rush hour rate.
Sa ilalim ng naturang scheme, P1 ang madaragdag na singil sa pamasahe sa tradisyunal at modernong dyip habang P2 naman para sa air conditioned at ordinary bus sa kasagsagan ng peak hours mula alas:5 ng umaga hanggang alas8 ng umaga at sa hapon naman mula 4pm hanggang 8pm maliban sa araw ng linggo at holidays.
Nitong Martes, nagkaroon ng pagpupulong ang transport group kasama ang mga transport regulator para talakayin ang kanilang sitwasyon kung saan inaasahang mailalabas ang desisyon sa kanilang apela dalawang linggo mula ngayon.
Isa pa sa tinitignan ng LTFRB ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga apektadong tsuper at operator.