-- Advertisements --

Nanawagan ang grupong Bayan Muna sa liderato ng Kamara na bilisan ang pag-apruba sa panukalang batas para sa coconut levy fund.

Ayon kina Rep. Carlos Isagani Zarate at Eufemia Cullamat, mismong ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na ang nagsabi na nabubulok na ang assets na ito dahil mahigit 40 taon na itong hindi nagagamit.

Sinabi ng mga kongresista na matagal nang nakikipaglaban at naghihintay ang mga magniniyog para rito kaya marapat lamang paspasan ang pag-apruba sa House Bill 255 o ang Genuine Small Coconut Farmers Fund Bill.

Kamakailan lang ay sinimulan na ng Commission on Audit (COA) ang kanilang special audit para sa P76 billion coconut levy fund.

Ito ang unang pagkakataon ayon kay Zarate na nagsagawa ng special audit ang COA sa coconut levy fund magmula nang sinimulan itong kolektahin mula sa mga small coconut farmers mula 1971 hanggang noong 1980’s.

“This is a welcome development so that we can truly determine the real status of this multi-billion fund. The audit will also ensure the integrity and protection of the funds intended for genuine coconut farmers and for the improvement of their lives,” saad ng kongresista.

Iginiit naman ni Cullamat na panahon na para igiit ang desisyon ng Korte Suprema ukol dito upang sa gayon ay matigil na rin aniya ang pagdurusa ng mga maliliit na magsasaka ng niyog na matagal nang nakaabang dito.