Kinalampag ng ilang kongresista ang Senado na ipasa na ang batas na lumilikha sa Department of Disaster Resilience (DDR).
Ito ay kasunod na rin ng mga malalakas na pagyanig kamakailan sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nagresulta sa pagkasawi ng ilang mamamayan at pagkasira ng mga ari-arian.
Sa isang statement, sinabi ni House Committee on Disaster Management chairman Geraldine Roman na hangad ng House Bill 8165 na magkaroon ng pangunahing ahensya na mangunguna sa pagbuo ng mga istratehiya at sistema para mapaghandaan at matugunan ang anumang sakunang posibleng tumama sa bansa.
Para naman kay Rep. Ron Salo, dapat na ipasa na rin ng Senado sa lalong madaling panahon ang naturang panukala para na rin sa kapakanan ng mga mamamayan.
Isa si Salo sa mga may-akda ng panukalang ito na ipinasa ng Kamara noon pang Oktubre ng nakaraang taon.