-- Advertisements --
electricity

Itinuturing na “milestone” ni Bacolod City Mayor Albee Benitez ang nakatakdang pagpasok ng distribution utility na Negros Electric and Power Corporation sa buong lalawigan ng Negros na hindi lamang magbibigay daan para magkaroon ng maaasahan at murang kuryente ang mga residente at mga negosyo bagkus nakatuon din para mapangangalagaan ang kalikasan dahil sa paggamit ng renewable energy sources.

Ayon kay Benitez kanila nang inaasahan ang positibong pagbabago na ihahatid ng naturang electric cooperative sa Bacolod City.
Ani Benitez, wala syang nakikitang sagabal sa paglipat ng prangkisa ng Central Negros Electric Cooperative sa Negros Electric and Power Corporation lalo at suportado ito ng mga residente, mga negosyante , local government units at iba’t ibang sektor kabilang ang mga Non Governmental Organizations.

Ang Bacolod City ay isa sa mga lugar sa Negros na nakakaranas ng palagiang brownout at isa sa may mataas na power rates sa bansa dala ng mataas na fuel cost at palyadong distribution system, inirereklamo din ang mahinang customer service.

Isa din ang Bacolod sa mga major economic hub sa bansa subalit dahil sa mataas na singil sa kuryente ay nagiging hadlang ito sa pagpasok ng mga investment at bagong negosyo, giit ni Benitez, sa pagkakaroon ng maayos na power supply ay inaasahan na makatutulong ito sa paglago ng ekonomiya ng siyudad.

Kung maaalala, isinusulong ng House Bill 9310 ang prangkisa ng NEPC para maging power distributor sa siyudad ng Bacolod, Bago, Silay at Talisay, gayundin sa munisipalidad ng Murcia at Don Salvador Benedicto at ito ay kasalukuyang dinidinig ng House Committee on Legislative Franchises na pinamumunuan ni Paranaque Rep. Gus Tambunting.

Kaugnay nito ay hinihintay na lamang ng komite ang isusumiteng mga dokumento ng dalawang natukoy na electric cooperative Energy Regulatory Commission at National Electrification Administration(NEA) at inaasahang maaparubahan na ang panukala sa committee level, pagkaraan nito ay isasalang na sa deliberasyon sa plenaryo.

Ang House Bill 9310 ay inakda mismo ng mga kongresista sa Negros sa pangunguna nina Negros Occidental 3rd District Rep. Francisco Benitez, Rep. Juliet Marie Ferrer (fourth district), Abang Lingkod Partylist Rep. Stephen Paduano at Bacolod Rep. Greg Gasataya.

Umaasa naman ang mga mambabatas na bago matapos ang taon ay maaaprubahan na ng Kongreso ang prangkisa ng naturang electric cooperative upang masimulan na agad ang rehabilitasyon sa buong distribution system ng CENECO.