Iginiit ng isang political analyst na hindi na dapat pang ituloy ang pag-arangkada ng mga impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam, ibinahagi ng political analyst na si Atty. Edward P. Chico ang kanyang saloobin na tinutulan niya ang pagpapatuloy ng planong pagpapatalsik sa ikalawang pangulo.
Ayon sa kanya, baka masayang ang oportunidad at oras na dapat ginugugol at inilalaan na lamang sa pagbalangkas ng mga bagong batas.
Giit pa niya, ang gawaing impeachment sa bise presidente ay hindi naman makikita bilang hustisya para sa taumbayan kundi isang political act kung mangyayari man.
‘Kasi hindi naman ito titingnan ng taumbayan as a quest or justice… it will always be seen as a political act’, ani Atty. Edward P. Chico.
Dagdag pa rito, iminungkahi naman ng naturang political analyst na idaan na lamang sa pagsasampa ng kaso sa korte kaysa isulong ang impeachment case.
‘Kung talagang gusto nating panagutin halimbawa si Vice President Sara Duterte, eh maari naman tayong magsampa halimbawa ng kaso sa korte … appropriate cases can be filed in court’, ani pa ni Atty. Edward P. Chico.
Samantala, kung patuloy na gugulong ang planong pagpapatalsik sa ikalawang pangulo, sinabi ni Atty. Edward P. Chico na kukulangin na sa oras dahil marami pa umano itong pagdadaanan.