Iimbestigahan ni Senadora Imee Marcos, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, ang ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaresto ng mga otoridad si Duterte noong Marso 11, sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 dahil sa krimen laban sa sangkatauhan.
Ayon kay Marcos, kilalang kaibigan ng mga Duterte, ang ginawang pag-aresto sa dating pangulo ay isyu nang pagkakahati ng bansa.
Kinakailangang aniyang matukoy kung sinunod ang due process at matiyak na pinoprotektahan ang legal rights ni Duterte lalo na aniya’t nasasangkot ang International Criminal Police Organization (Interpol) at International Criminal Court (ICC).
Dagdag ni Marcos, dapat ding tugunan ng Senado ang mga alalahanin na ito upang itaguyod ang jurisdiction ng Pilipinas at linawin ang mga patakarang namamahala sa mga law enforcement agencies gayundin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa international tribunals.
Upang bigyang linaw ang isyung ito, iimbitahan ni Marcos ang mga opisyal mula sa Philippine National Police (PNP), Office for Transportation and Security ng Department of Transportation, National Security Council, Civil Aviation Authority of the Philippines at iba pang resource persons at witnesses.
Magugunitang sinabi ni Marcos na hindi siya makapaniwala na nauwi sa arestuhan ang pagdating ng dating Pangulon sa Pilipinas mula sa Hong Kong.
Nabigla at naawa raw siya sa dating pangulo dahil matanda na ito.
Wala rin aniyang pakinabang sa mga naghihirap sa bayan ang bangayan ng politika.
Nakatakda Sa Marso 20, araw ng Huwebes, ang imbestigasyon sa isyu.