-- Advertisements --

Naniniwala si Quad Committee lead chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ang pag aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaninang umaga na pinangunahan ng International Police (Interpol) ay isang mahalagang sandali para makamit ang hustisya partikular sa mga pamilya ng mahigit 30,000 biktima ng kextra judicial killings sa madugong war on drugs ng dating administrasyon.

Ayon kay Barbers ang kahalagahan ng development na ito ay maibabalik nito ang tiwala ng publiko sa justice system, at ang mga lumabag sa batas ay mananagot at lilitisin sa korte.

Dagdag pa ng mambabatas, ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay isang hakbang tungo sa katarungan para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa EJKs at patunay din ito na walang sinuman ang nasa ibabaw ng batas.

Ipinunto din ni Barbers na sa halip na itaguyod ang hustisya, binuksan nito ang pintuan para sa culture of impunity sa hanay ng law enforcers, isantabi ang batas at hustisya sa mga suspects at pagpapatupad ng karahasan na nagdulot ng pagkamatay ng mga inosenteng mamamayan.

Tinukoy ni Barbers na magiging krusyal ang mga susunod na linggo sa pagtukoy ng pangako ng bansa sa karapatang pantao, katarungan, at paghahari ng batas, kung saan mahigpit na sinusubaybayan ng pandaigdigang komunidad ang mga pangyayari sa pag aresto kay Duterte at sa kalaunan ay paglilitis sa kanyang mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan sa harap ng ICC.