Sumali na ang Philippine National Police (PNP) sa paghahanap kay dating presidential spokesperson Harry Roque na ipinaaaresto matapos ma-cite in contempt ng quad committee ng Kamara de Representantes dahil nabigong isumite ang mga dokumento kaugnay ng kanyang yaman na ini-uugnay sa operasyon ng iligal na POGO.
Hindi tinupad ni Roque ang pangako nito na isusumite ang mga dokumento, at hindi na rin dumalo sa pagdinig ng quad committee.
Noong Biyernes ay pinuntahan ng otoridad ang law firm ni Roque sa Antel Corporation Centre sa Makati City upang isilbi ang arrest warrant subalit hindi ito tinanggap ang kanyang staff. Hindi rin nakita sa lugar si Roque.
Na-cite in contempt si Roque matapos na hindi makapagsumite ng kopya ng kanyang mga Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth, rekord ng Biancham Holdings, na pagmamay-ari ng kanyang pamilya at ang mga patunay ng bentahan ng ari-arian sa Parañaque City na kanyang sinabi na pinanggalingan ng biglaang paglobo ng kanyang yaman.
Matapos ma-cite in contempt, naglabas ng arrest order ang komite laban kay Roque.
Sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng Committee on Dangerous Drugs, na mayroong mga ebidensya na nag-uugnay kay Roque sa iligal na POGO.
Ang hindi umano pakikipagtulungan ni Roque sa quad committee at nagpapatindi lamang sa alegasyon na mayroon itong itinatago at totoong may kaugnayan ito sa operasyon ng iligal na POGO.
Nauna rito, inakusahan ni Roque ang quad committee na isang “kangaroo court” at inanunsyo na hindi na ito makikipagtulungan dito.
Hinamon ni Barbers si Roque na humarap sa pagdinig sa halip na sa social media sumagot.
Ang pagtulong ng PNP sa paghahanap kay Roque ay pagpapakita umano na seryoso ang imbestigasyong isinasagawa ng quad committee.
Hinimok ang publiko na tumulong sa paghahanap kay Roque.
Matatandaan na inamin ni Roque na sinamahan nito si Katherine Cassandra Ong sa PAGCOR upang ayusin ang problema ng Lucky South 99 Pogo hub. Itinanggi naman ni Roque na siya ay abugado ng Lucky South 99 na niraid ng otoridad kamakailan.