-- Advertisements --

Umalma si PNP chief Oscar Albayalde sa batikos ng ilang militanteng mambabatas dahil sa pagtutok ng pulisya para maaresto ang apat na dating mga miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso na sina Satur Ocampo, Teddy Casino, Liza Maza at Rafael Mariano.

Ayon kay Albayalde, mandato nilang arestuhin ang mga wanted sa batas.

Sa ngayon umano ay may magandang lead na ang mga tracker ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group na tumutugis sa mga wanted na dating mambabatas.

Sinabi din ni Albayalde na hindi pa nakakalabas ng bansa ang apat na militant congressmen na nahaharap sa kasong double murder.

Welcome din kay PNP chief ang paglabas ng P1-million reward para sa mga wanted na dating mambabatas.

Nilinaw din nito na ang nasabing pabuya ay hindi para mahuli ang mga akusado “dead or alive” dahil ito ay sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon kaugnay sa kinaroroonan ng apat.

Nagbabala naman si Albayalde sa mga posibleng magkanlong sa naturang mga dating opisyal.