ILOILO CITY – Ibinunyag ng Philippine National Police (PNP) na may basbas mismo ng Malacañang ang pagsagawa ng entrapment operation upang mahuli ang pinsan ni First Lady Atty. Liza Cacho Araneta Marcos matapos masangkot sa kasong swindling.
Ito ay si Margarita “Maggie” Cacho ng Barangay Sabang, Sibunag, Guimaras na tumatakbo bilang governor sa lalawigan ng Guimaras.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Brigadier General Jack Wanky, Director ng Police Regional Office 6, kinumpirma nito may alam mismo ng Office of the President ang operasyon na pinangunahan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay Wanky, nahuli mismo ang 65 anyos na si Cacho sa kanya mismong bahay sa Bgy. Sabang sa bayan ng Sibunag, Guimaras.
Nahuli rin ang isa niyang katiwala na si Cayetano Leal, 48, residente ng Barangay Misi, Lambunao, Iloilo.
Maliban dito, nahuli rin ang dalawang miyembro ng Philippine Coast Guard na sina Apprentice Seaman Marwin Parpan, 31, mula sa Dipolog City, at Seaman Second Class Rico Maylan, 27, mula sa Sandulot, Siaton, Negros Oriental.
Ang dalawang Philippine Coast Guard personnel, na nakabase sa Masbate, ay nagsisilbing personal security ni Cacho ay nahulihan ng 2 unit ng caliber 45 na baril at mga bala.
Aniya ginagamit ni Cacho ang kanyang magiging malapit umano sa First Family upang makapanloko kung saan ang huli nitong biktima ay hiningan niya ng P1 million upang mailakad sa Malacañang proyekto nito para sa Private Motor Vehicle Inspection Center- Emission Testing Center ng Department of Transportation.
Hinuli si Cacho nang tanggapin ang 400-libong pisong na boodle money.