Malaking tulong umano sa anti-terror campaign ng gobyerno ang pag-aresto sa biyuda ni Marwan at sa apat pang ibang indibidwal sa Lanao del Norte.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP spokesperson C/Supt. John Bulalacao, sinabi nito na ang pag-aresto kay Juromee Dungon ay patunay na lalo pang pinalakas ng PNP ang kampanya laban sa terorismo.
Dagdag pa ni Bulalacao, importante din ang magiging pahayag at mga impormasyon na ibibigay ni Juromee sa otoridad lalo na sa posibilidad na may mga indibidwal pang maaaresto sa susunod na mga araw.
Kung maaalala napatay si Marwan sa isinagawang operasyon ng PNP SAF sa Mamasapano, Maguindanao noong January 2015.
“The arrest of Juromee Dungon, wife of Zulkifli Bin Hir alias Marwan, is a big boost to the government’s anti-terror campaign,” pahayag pa ni Bulalacao sa Bombo Radyo.
Sa ngayon hindi pa masabi nito kung dadalhin dito sa Metro Manila ang limang suspek.
Samantala, pinuri ng pamunuan ng pambansang pulisya ang mga operatiba ng PNP at militar sa Region 10 kasunod sa pag-aresto sa misis ni Marwan.
Ayon sa PNP maituturing na malaking accomplishment ang pagkakaaresto sa biyuda ni Marwan.
Sa kabilang dako, ongoing na rin ang isinasagawang background check ng mga otoridad kung sangkot nga ang mga inarestong suspek sa paghahasik ng kaguluhan sa Mindanao.
Sinabi ni Bulalacao na ang pananalakay sa mga suspek ay bahagi ng pagtutok ng mga otoridad sa mga nananatiling banta ng terorismo sa Mindanao na hanggang sa ngayon ay nasa ilalim ng batas militar.
Sa ngayon nananatili pa sa kustodiya ng CIDG-10 ang limang suspek na inaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Lanao del Norte na kinabibilanagan nina Juromee, SPO4 Andy Ata, Lorilie Ata, Romeo Dongon, a.k.a. Faisal, ang tatay ni Juromee, at Nur-ain Dongon Santos, na kapatid ni Juromee.
Si Juromee, SPO4 Atta at Lorili ay naaresto sa Purok 5, Poblacion, Tubod, Lanao del Norte kahapon ng alas-4:30 ng umaga sa pagsilbi ng search warrant dahil sa paglabag ng Republic Act Nos.10591 and 9516.
Nakumpiska sa kanila ang fragmentation hand grenade, anim na blasting caps at assembly, detonating cord, caliber 9mm Glock 17 Gen 4 na may tatlong magazines at 37 pieces of live ammunition.
Ang tatay at kapatid ni Juromee naman ay naaresto sa halos kasabay na operasyon sa Sitio Tinago, Barangay San Juan, Baroy, Lanao del Norte.
Nakuha naman sa dalawa sa pagsilbi ng search warrant ang caliber .45 pistol Colt MK1 na may tatlong cartridges at isang magazine, isang M61 fragmentation hand grenade at mga explosive components, kasama ang empty blasting cup, detonating cord, at dalawang electrical wires.
Kung maalala rin ang umano’y Abu Sayyaf group bomber na Renier “Ren-Ren” Dongon na kapatid ni Juromee ay unang naaresto kasama si P/Supt. Ma. Cristina Nobleza sa isang checkpoint sa Barangay, Bacani, Clarin, Bohol noong April 22, 2017.