Ipinapaubaya na ng Malacañang sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasagawa ng muling pag-aresto sa mga presong napalaya kahit hindi naman kuwalipikado sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sinasabing nasa 2,000 inmates o convicted criminals na ang nakalaya dahil sa GCTA kung saan kabilang ang mga nagkasala sa “heinous” crimes na exempted sa nasabing batas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, alam na ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang gagawin para maibalik sa kulungan ang naturang mga inmates.
Ayon kay Sec. Panelo, posibleng maghain ng kaso o petisyon sa korte na siyang maglalabas ng warrant of arrest.
Nanindigan din si Sec. Panelo na pwedeng magsagawa ng re-arrest sa mga napalaya ng preso dahil hindi naman sila kuwalipikado sa GCTA kaya iligal ang kanilang paglaya.
“Hindi, there is a case nga eh ‘di ba sinayt (cited) one case in the Supreme Court where the warden released on the assumption na qualified pero hindi pala, and then pinabalik,” ani Sec. Panelo.