-- Advertisements --

Ang pag-aresto sa isang vlogger sa Oslob, Cebu kaugnay ng pagpapakalat ng fake news ay isang paapapa umano sa mga content creator na maging responsable sa kanilang mga ipino-post online.

Ito ang sinabi ni House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City, matapos arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) kamakailan ang 30-anyos na si Wendelyn Magalso dahil sa pagpo-post ng pekeng content tungkol kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ginawa na umanong legal ang paggamit ng illegal na droga sa bansa.

Sinabi ni Zamora may hangganan ang pagiging ‘content creator,’ lalo na kung ginagawa mo ito para manira, magpakalat ng kasinungalingan, at kumita mula sa panloloko.

Ayon sa NBI, binago ni Magalso ang isang post ng balita sa pamamagitan ng paglalagay ng pekeng quotes at pinalabas na sinabi ito ni Pangulong Marcos.

Iniulat din na inedit niya ang isang video ng pahayag ng Pangulo upang linlangin ang mga manonood.

Ayon sa NBI Central Visayas Regional Office, kumilos sila matapos makatanggap ng reklamo mula sa TV5 at nagsagawa ng sariling cyber patrol.

Inamin ni Magalso na ginawa niya ang post upang kumita mula sa views at kalaunan ay humingi ng paumanhin sa Pangulo.

Si Magalso ay nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Kung mapatunayang nagkasala, maaari siyang makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at pagmultahin mula P40,000 hanggang P200,000.

Binigyang-diin ni Zamora ang pangangailangang palakasin ang digital literacy at papanagutin ang mga content creator.