Pinahintulutan na ng Pentagon ang pag-armas ng mga miyembro ng National Guards na tutulong sa pagbabantay sa seguridad ng US Capitol sa araw ng inagurasyon ni President-elect Joe Biden.
Ito ay bilang paghahanda ng Department of Defense kaugnay sa natanggap nilang mga report na asahan umano ang “armed protest” na gagawin ng mga supporter ni outgoing US President Donald Trump mula sa iba’t ibang estado ng Amerika.
Dapat armado raw ng nakamamatay o hindi nakakamatay na mga sandata ang mga magbabantay sa seguridad.
Ang hakbang na ito ng kagawaran ay may kaugnayan sa request ng federal authorities at pinahintulutan naman ni Secretary of Army Ryan McCarthy.
Nauna nang inanunsiyo ni Washington, DC, Police Chief Robert Contee na mahigit sa 20,000 National Guard members ang kanilang ide-deploy upang tumulong sa pagbabantay sa seguridad.
Inanunsiyo rin ni Contee na ang US Secret Service ang siyang mamamahala sa pangunahing seguridad sa inagurasyon ng incoming Democratic President.
Mas maraming US troops umano ang idi-dineploy sa US Capitol kumpara sa tropa na idi-dineploy sa Afghanistan at Iraq lalo pa’t ayaw na nilang muling mangyari pa ang kaguluhan sa US Capitol noong nakaraang linggo. (with report from Bombo Jane Buna)