-- Advertisements --

Nasa “degraded state” na ngayon ang Sandy Cay o Pag-asa Cay sa West Philippine Sea.

Ito ang isiniwalat ng isang eksperto kasunod ng isinagawang assessment ng mga ito sa naturang lugar matapos na makitaan ng “low coral at fish diversity and abundance” ang Sandy Cay.

Batay kasi sa isinagawang presentation at assessment ng naturang mga eksperto, lumalabas na mas mababa sa sampung coral at species ng isda ang kanilang namataan kada 100 sqm sa Pag-asa Cays kung saan naobserbahan din na karamihan sa mga corals at isda rito ay maliliit lamang.

Ayon kay Dr. Jonathan Anticamara ng University of the Philippines Institute of Biology, malaki ang posibilidad na dahil ito sa pinagsamang disturbances sa lugar mula sa overfishing, epekto ng climate change, at island-building activities sa WPS.

Bukod dito ay nadiskubre rin aniya nila ang mga sira-sirang bahura sa Pag-asa Cays 1, 2, at 3 na na-expose na nang dahil sa high tide.

Anila, ang mga ito ay nakita na nakatambak sa malalaking buhay na coral colonies na tila nagpapahiwatig sa posibilidad na itinapon ang mga ito sa mga buhay na coral colonies.

Bukod dito ay nakitaan din ng posibleng bakas ng island building activities sa Pag-asa Cays 1, 2, at 3 nang dahil naman sa maraming mga characteristics na nakita sa buhangin at rubble dito.

Sa isang pahayag, itinuro ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Jay Tarriela ang sisi sa China sa nangyaring degradation ng Sandy Cay.

Kung maalala, una nang napaulat na itinaboy ng helicopter ng China na mayroong tail number 57 ang team ni Dr. Anticamara kasama ang mga tauhan ng PCG at BFAR na noo’y nagsasagawa ng Joint Marine Scientific Survey sa Cay areas malapit sa Pag-asa Island noong Marso 23, 2024.

Ang naturang mga Filipino scientists at PCG and BFAR personnel ay itinaboy ng China sa pamamagitan ng pagpapalipad nito ng helicopter sa lugar nang may babang 20 metro mula sa lupa sa loob ng 10 minuto dahilan para magliparan ang mga debris at bato sa lugar na nakakapinsala naman sa naturang team.

Matatandaan din na bago pa man ito, noong Setyembre 2023 ay may nadiskubre ng mga kinauukulan ang mga patay at sira-sirang bahura sa Sandy Cay 2 bagay na tinukoy din ng mga eksperto na common procedure na ginagawa ng China bago ito magsimula sa kanilang mga reclamation activties.