ILOILO CITY – Itinuturing ng Armed Forces of the Philippines bilang isolated case ang pag-assassinate kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa walong iba pang sibilyan sa loob ng kanyang compound sa Brgy. San Isidro, Pamplona, Negros Oriental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. General Benedict Arevalo, Commander ng Armed Forces of the Philippines Visayas Command, sinabi nito na “on top of the situation ang security forces” matapos na hindi pa nakaabot ng 24 oras, nahuli na ang ibang mga suspek, narekober ang kanilang mga getaway vehicle at na-retrieve ang ginamit na mga armas sa pamamaslang.
Sa background naman ng ilang mga suspek na mga dating kasapi ng Philippine Army, nilinaw ni Arevalo na dishonorably discharged ang mga ito dahil may mga problema sa disiplina.
Inaalam rin ng mga otoridad ang background ng iba pang mga suspek upang makumpirma kung dati silang kasapi ng militar.