-- Advertisements --
CAFGU CAMP ABRA

VIGAN CITY – Posibleng distraction o panggulo lamang sa selebrasyon ng 24th Infantry Battalion ng kanilang anibersaryo ngayong araw ang ginawang paglusob kahapon ng 40 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa CAFGU detachment sa Sitio Mong-ol, Barangay Maguyepyep, Sallapadan, Abra kung saan dalawa ang namatay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay 7th Infantry Division-Public Information Officer Maj. Amado Gutierrez, alam umano ng mga rebelde na ngayong araw ang selebrasyon ng anibersaryo ng 24th IB kaya gumawa sila ng paraan upang hindi matuloy ang selebrasyon sa tagumpay ng militar sa mga napagdaanan nilang engkuwentro sa iba’t ibang bahagi ng Abra.

Hinala ni Gutierrez na posibleng gabi pa lamang ng Miyerkules o madaling araw ng Huwebes ay nakapuwesto na ang mga NPA sa palibot ng detachment kaya nakahanap sila ng magandang pagkakataon upang makapagpaputok at matamaan ang dalawang miyembro ng CAFGU na nakaupo sa open area sa kanilang detachment.

ABRA CAFGU

Una nang sinabi ng PNP–Sallapadan na hindi umano kaagad nakaganti ng putok ang mga CAFGU members sa lugar dahil sa pangambang mayroon silang matamaang residente na nakatira malapit sa kanilang detachment area.

Samantala, wala pa umano silang nakukuhang report kung mayroong nasugatan o namatay sa panig ng kalaban sa loob ng halos 30 minuto na palitan ng putok.