Ikinasawi ng tatlong tao ang isinagawang pag-atake ng Russia sa Zaporizhzhia, Ukraine gamit ang mga drone at ikinasugat ng 14 iba pa, ayon sa mga opisyal ng Ukraine nitong Sabado (Linggo sa Pilipinas).
Ayon sa mga lokal na pulis, inatake ang Zaporizhzhia ng 12 drone noong Biyernes ng gabi. Kinumpirma naman ito ni Ivan Fedorov, regional head ng Zaporizhzhia, aniya ang mga residential na gusali, sasakyan, at mga pampublikong estruktura ang nasunog dahil sa naturang mga pagsabog.
Ibinahagi pa ni Fedorov sa social media platform nito na ang mga nasawi na nahukay mula sa mga gumuho na imprastuktura ay pawang isang pamilya.
Kung maaalala nagkasundo na ang Ukraine at Russia sa isang limitadong ceasefire noong nakaraang linggo, matapos makipag-usap si U.S. President Donald Trump sa mga lider ng parehong bansa.
Ayon sa White House, ang ”energy at infrastructure” ay kasama sa kasunduan kung saan umaasa din si Ukraine President Volodymyr Zelenskyy na magiging bahagi rin sa kasunduan ang proteksyon sa mga riles at pantalan mula sa mga pag-atake.
Kaugnay pa nito iniulat ng Ukrainian air force na ang Russia ay naglunsad ng kabuuang 179 drone attack at mga decoy sa pinakahuling wave ng pag-atake, kung saan 100 ang na-intercept ng Ukraine.
Ayon sa mga ulat, may mga sunog na naganap sa mga rehiyon ng Kyiv at Dnipropetrovsk mula sa mga debris ng mga in-intercept na drone.
Samantala, aminado naman ang Russian Ministry of Defense na ang kanilang air defense systems ay nakasagupa ang Ukraine, ngunit tugon lamang daw umano ito sa ginawang pag-atake ng Ukraine sa kanila kung saan 47 sa mga drone ng Ukraine ang kanilang napatumba habang ang isang Ukrainian drone naman ay tumama umano sa isang mataas na gusali ng apartment, na nagresulta ng pag-kasugat ng dalawang tao at nagdulot ng pinsala sa anim na iba pang apartment.
Samantala, nakatakdang makipag-pulong ang mga opisyal ng Ukraine sa mga negotiators mula sa U.S. sa Saudi Arabia sa Lunes upang pag-usapan ang mga teknikal na detalye ng ceasefire.
Ang mga negotiators ng Russia ay magkakaroon din ng hiwalay na pag-uusap sa mga opisyal ng U.S. sa parehong araw.
Una nang ipinahayag ni Zelenskyy na hindi ito tutol sa 30-araw na tigil putukan simula nang imiunungkahi ito ni Trump ngunit tututol lang umano ito kung may mga kondisyon na ipapataw sa kanila.
Maalalang ipinag-utos ni Russian President Vladimir Putin na susunod ito sa itatakdang ceasefire kung i-hihinto ang pag-susuplay ng armas sa Ukraine at suspendihin ang military mobilization ng bansa.