Maaaring makaapekto ang mga pag-atake ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa presiding judge ng ICC at malawakang protesta sa interim release plea ng dating Pangulo ayon kay ICC-acredited lawyer Atty. Joel Butuyan.
Sa isang online forum, sinabi ni Atty. Butuyan na makakaapekto ang mga ito sa magiging desisyon ng ICC judges sa interim release plea ng dating Pangulo dahil makikita ng mga hukom na napakalakas ng puwersa ng kampo ni Duterte na maging ang ICC ay maaaring matarget ng pambu-bully, harassment, at pagtatangkang sila’y manipulahin.
Ginawa ng international law expert ang pahayag kasunod ng pagpapadala ng spam messages ng supporters ng dating Pangulo sa mga post sa LinkedIn account ni ICC Pre-Trial Chamber I Presiding Judge Iulia Motoc, kung saan ang ilan sa kanila ay umaapela para sa pagpapalaya sa dating Pangulo.
Gayundin, sa gitna ng kaliwa’t kanang mga protesta na ikinasa sa Manila, Davao city at maging sa ibang bansa kabilang na sa The Hague, Netherlands mismo bilang pagpapakita ng suporta sa dating Pangulo matapos siyang arestuhin sa bisa ng warrant of arrest ng ICC.