KORONADAL CITY – Mariing kinondena ng Western Mindanao Command (Westmincom) ang panibagong pambobomba sa Datu Piang, Maguindanao na nagdulot ng labis na takot sa ilang mga residente.
Ito ay dahil sa patuloy na paghahasik ng lagim ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at pang-aatake sa mga non-Muslims sa rehiyon ng Mindanao.
Nangyari ang naturang insidente matapos ang malawakang sunog sa pamilihan ng naturang bayan.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang pagsabog malapit sa isang simbahan sa naturang bayan matapos umanong iwan ang bomba ng isang lalaking sakay ng motorsiklo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Major Arvin Encinas, ang tagapagsalita ng Western Mindanao Command, nagpapatuloy pa ang kanilang masusing imbestigasyon kasama ang Philippine National Police upang masilip kung ano ang posibleng motibo sa naturang pamomomba.
Nagpapasalamat din ang opisyal dahil sa pakikipagtulungan rin ng mga mamamayan na nagpapaabot sa kanila ng impormasyon upang matiyak na ligtas sila.