Umani ng papuri mula sa iba’t-ibang lider ng bansa sa buong mundo at maging sa mga mambabatas sa US sa inilabas na desisyon ni US President Joe Biden na hindi na ito tatakbo pa muli sa pagkapangulo.
Halos lahat ng mga kasalukuyan at dating mambabatas sa US ay pinasalamatan is Biden sa kaniyang tapang na hindi na lamang tumakbo at sundin ang hiling ng nakakaraming kapartido nito.
Sa mga lider ng bansa ay pinasalamatan naman ni Israeli President Isaac Herzog si Biden dahil sa pagkakaibigan at ang suporta nito sa mga mamamayan ng Israel.
Sa panig naman ni Poland Prime Minister Donald Tusk na bagamat mabigat ang desisyon ni Biden ay naging tama ang sundin ang nakakaraming boses sa hindi niya pagtakbo.
Ikinalungkot naman ng foreign minister ng Ireland Michael Martin ang nasabing balita at pinasalamatan nito ang suporta ni Biden sa mamamayan nila.
Magugunitang nagpasya na si Biden na umatras na lamang matapos ang panawagan ng maraming mga kaalyado nito sa pangamba ng kaniyang kalusugan.
Inindorso na lamang nito na pumallt sa kaniya si Vice President Kamala Harris na tumakbo sa pagkapangulo.
Maraming mga democrats naman ang nagpahayag ng suporta kay Harris kung saan sa mga susunod na araw ay kanilang isasagawa ang pormal na nominasyon.
Tinawanan na lamang ni dating US President Donald Trump ang desisyon ni Biden kung saan marapat na talaga na umalis na ang tinagurian niyang pinakamasamang pangulo sa kasaysayan ng Amerika.
Minaliit din ni Trump si Harris kung saan mas madali umano itong talunin kumpara kay Biden.