Naniniwala ang isang batikang political analyst na pagtabla kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-atras ni Marinduque Rep. Lord Alan Velasco sa term sharing sa pagitan nila nila Taguig Rep. Alan Peter Cayetano na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Mon Casiple na bahagi ng maneuvering ng mga speaker-aspirants ang ganitong hakbang kaya umatras si Velasco sa term sharing kahit pa aprubado na ito ni Pangulong Duterte maging ni Cayetano.
Kung wala namab aniyang nakikitang masama ang Punong Ehekutibo sa term sharing sa pinakamataas na posisyon sa Kamara para sa 18th Congress, tila si Velasco na aniya ang may problema dahil sa pag-atras niya rito.
Sinabi ni Casiple na maaring bumalik kay Velasco sa negatibong paraan ang naging pasya nito.
Naniniwala ang batikang na politikal na analyst na marahil hindi na itinuloy pa ni Velasco ang kasunduan dahil mas nais sana niyang mauna sa pagka-Speaker.
Sa isang panayam, sinalungat ni Velasco ang nauna niyang pagpabor sa term sharing sa pagsasabi na maapektuhan daw nito ang Kamara dahil sa mga pagbabago sa chairmanship at committee heads sa oras na may maupo muli na panibagong speaker.
Sa kabilang dako, walang nakikitang masama si 1-Ang Edukasyon Partylist Rep Salvador Belaro sa term sharing sa Speakership post lalo pa kung ito naman ang nais ng Pangulo.
Pero mas malaki pa rin aniya ang advantage kung iisang House Speaker lamang ang mamumuno sa loob ng 3 taon dahil mapapanatili ang stability ng Kamara lalo at hindi papalit palit ang mga Chairmanships.