Nangako na umano ang European Union (EU) na susuriin ang pahayag ng gobyerno ng Pilipinas na nakatatanggap mula ng pondo sa kanila ang ilang mga non-government organizations (NGOs) na umano’y nauugnay sa mga komunista.
Matatandaang inakusahan ng AFP ang ilang mga human rights groups gaya ng Karapatan at Ibon Foundation na mga “front organizations†ng Communist Party of the Philippines (CPP).
“We are pleased with how the EU Ambassador accepted the submission of the National Task Force (NTF) of which the Armed Forces of the Philippines is a part,” pahayag ni AFP spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo.
Bukod pa rito, sinabi ni Arevalo na nangako rin umano ang EU na kukuha ng third party firm upang i-audit ang mga pondo na kanilang ibinigay sa nasabing mga NGOs.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng EU na natanggap na raw nila ang mga dokumento kung saan nakasaad ang mga alegasyon ng pamahalaan kontra sa naturang mga grupo.
“The EU now will verify and evaluate these documents. A financial audit by an external company is due to be conducted in April,” saad ng EU.
Una nang iginiit ng Malacañang na dapat itigil na agad ng EU ang pagbibigay nito ng pondo sa mga “legal fronts” ng CPP.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng pormal na pagsulat ni National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon sa EU na nananawagan ng agad na pagpapahinto ng funding nito sa mga nasabing grupo.