CAGAYAN DE ORO CITY-Isinusulong ng isang kongresista ng Misamis Oriental ang pag-ban ng mga basura mula sa ibang bansa na makapasok sa Pilipinas.
Napaloob ito sa House Bill 9207 na isinumite ni Misamis Oriental 2nd District Rep. Juliette Uy sa mababang kapulungan ng kongreso.
Ang hakbang ni Rep. Uy ay bilang tugon sa tatlong beses na pagtatapon ng mga imported eco-waste sa lalawigan mula South Korea, Australia at Hongkong.
Ayon sa babaeng kongresista hindi pwedeng magiging ‘dumping ground’ ng basura mula sa mga mayayamang bansa ang Pilipinas lalong lalo na ang Misamis Oriental.
Sinabi nito na nakakasira sa kalikasan at hazardous sa kalusugan ng tao ang nasabing mga basura.
Noong lunes, kinuha ng Hongkong ang isang container van na eco-wastes na kanilang itinapon at nasabat sa Mindanao International Container Port sa Tagoloan, Misamis Oriental. Nakuha na rin ang 162 ka toneladang basura ng Australia, subalit nakatambak pa rin sa Tagoloan port ang limang libong toneladang basura mula South Korea.