NAGA CITY – Kinumpirma ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na kampante silang mapipigilan nila ang hakbang ng Metro Manila Development Authority sa tuluyang pag-ban sa mga provincial buses sa EDSA.
Ito’y matapos mag-file na sila ng urgent motion para sa hinihinging Temporary Restraining Order (TRO) at Preliminary Injuction laban sa naturang hakbang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Garbin, sinabi nitong tiwala sila na papabor sa kanila ang batas at makakakuha pa rin ng inaasahang TRO.
Ayon kay Garbin, may sapat silang ebidensya at basehan para bigyang-diin na hindi nararapat ang naturang kautusan na pagbabawal na makadaan sa EDSA ng mga provincial buses mula Agosto 1.
Aniya, isang uri ng kapritso lamang ito para ipakita kay Pangulong Rodrigo Duterte na may ginagawa ang mga taong may hurisdiksyon sa problema sa trapiko sa EDSA.
Sa ngayon, hinihintay na lamang aniya nila ang magiging desisyon ng korte sa kanilang kahilingan.