Naninindigan ang Malacañang sa naging hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Elections (COMELEC) na huwag nang kunin ang Smartmatic sa susunod na eleksyon.
Ginawa ng Malacañang ang pahayag sa kabila ng sinabi ng COMELEC na walang ligal na basehan para i-ban ang Smartmatic.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, sa pananaw ng isang abogado, dapat sapat na ang nai-report na mga aberya lalo sa mga vote counting machines (VCMs) noong eleksyon para masabing may hindi nasunod sa kontrata sa gobyerno ang Smartmatic.
Ayon kay Sec. Panelo, dagdag din dito ang nangyari noong gabi ng May 14 kung saan mahigit anim na oras na hindi agad lumabas sa transparency server ng COMELEC ang resulta ng halalaan.
Inihayag ni Sec. Panelo na ang iniiwasan lang ni Pangulong Duterte ay mabahiran ng ano mang alegasyon ng dayaan at pagdududa sa resulta ng susunod na eleksyon.
“For instance iyong mga glitches mo, tapos iyong mga kontrata mo is to give the results of the elections within a span of time tapos hindi mo nagawa edi mayroon ka nang breach, oh edi may legal basis ka na,” ani Sec. Panelo.