BACOLOD CITY – Hindi pa masabi ng kampo ng kinudetang presidente at chief executive officer ng Yanson Group of Bus Companies kung hanggang kailan ang pagbabawal sa kanyang mga nakakatandang kapatid na makapasok sa main office, branches at terminals.
Ito ang pahayag ng abogado ni Leo Rey Yanson (LRY) na si Atty. Norman Golez kasunod ng pagpalabas ng inter-office memorandum kahapon na nagbabawal kina Roy, Emily, Ricardo Jr., at Ma. Celina Yanson-Lopez, na makapasok sa buildings ng kompaniya matapos nabawi nito at ng kanilang ina na si Olivia ang kontrol sa main office sa Barangay Mansilingan noong nakaraang linggo.
Kung maaalala, ipinagbawal ni LRY ang pagpasok ng apat sa kanilang mga pag-aari dahil nagpapatuloy ang general audit at clearing operations sa main office kasunod ng pagkawala ng mga dokumento at iba pang importanteng gamit at pagkadiskubre ng molotov bombs matapos nilisan ito ng apat.
Ayon kay Golez, panininindigan nila ang memorandum hanggang sa maayos na ang lahat.
Wala na rin daw silang pakialam kung araw-araw na magpumilit sina Emily at Ma. Celina na pumasok sa main office.
Malaya rin aniya ang dalawa na magpa-blotter sa tuwing hindi sila papasukin ng mga guwardiya.
Nitong Martes, agad na nagpa-blotter sa Police Station 7 ang dalawa matapos na hindi sila pinapasok sa opisina.
Napag-alaman na si Emily ang corporate secretary at pinuno ng administrative section ng Vallacar Transit Inc. samantalang si Celina naman ang finance officer ng kompanya.