Sinuportahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang naunang pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na pag-blacklist sa importer na nananamantala.
Una rito ay sinabi ni Sec. Laurel na nakatakdang suspendihin ang importation permit at i-blacklist ang ilang mga importer, kinabibilangan ito ng isang importer ng isda.
Ayon kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera, tama lamang na higpitan ang mga mayayamang nagi-import ng isda ngunit pinagsasamantalahan ang proseso ng importasyon.
Matagal na aniyang polisiya ng ahensiya na labanan ang pagpupuslit ng mga smuggled na isda, maging ang hindi tamang deklarasyon, na dalawa sa mga pangunahing problema sa importasyon.
Ang mga ito aniya ay nananabotahe sa presyuhan ng isda sa Pilipinas habang nalalagay din sa alanganin ang kaligtasan ng mga consumer dahil sa hindi pagdaan sa tamang proseso.
Ayon sa opisyal, kailangang mamonitor nang mahigpit ang pagpasok ng mga isda sa bansa upang maging maayos ang kompetisyon sa pagitan ng mga imported na isda at mga lokal na isda mula sa mga mangingisdang Pilipino.