-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Umaasa pa rin ang mga opisyal ng rehiyon Cordillera na ihahayag ni Pangulong Rdrigo Duterte ang kanyang suporta sa pagbuo ng autonomous region ng Cordillera sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ngayong araw.

Sinabi ni Ifugao Governor Jerry Dalipog na inaasahan niya ang pagbanggit ni Pangulong Duterte sa Cordillera Autonomous region sa talumpati nito.

Aniya, malaking tulong ito sa pagpasa ng ipinanukalang batas sa Kongreso na magpapasiguro na ang mga Cordillerans ang siyang bubuo at mamamahala sa kanilang sariling rehiyon.

Umaasa rin sina Kalinga Governor Ferdinand Tubban at Mountain Province Governor Bonifacio Lacwasan na i-certify ng Pangulo bilang priority bill ang pagbuo ng Cordillera Autonomous region gaya ng pagpapahayag nang suporta nito sa Bangsamoro region.

Sinabi naman ng mga kongresista ng mga lalawigan sa Cordillera na makakatulong ang pahayag ni Pangulong Duterte sa kanila sa Kongreso dahil makakatanggap ang panukala ng suporta mula sa iba pang mga mambabatas at posible itong maipasa sa 18th Congress.

Una nang sinabi ni Kalinga Representative Allen Jesse Mangaoang na magpupulong ang mga kongresista ng Cordillera kasama ang Regional Development Council para pag-usapan ang bagong diskarte sa pagkamit ng regional autonomy ng Cordillera sa Kongreso.