Naisakatuparan na ng Philippine Navy ngayong araw ang unti-unting pagreretiro sa mga luma nitong barko para bigyang-daan ang pagdating ng mga bagong barko.
Ayon kay Rear Admiral Giovanni Carlo Bacordo, commander ng Philippine Fleet, na-decommission na ang BRP Sultan Kudarat matapos ang 43 taon nitong serbisyo.
Ang BRP Sultan Kudarat ay orihinal na na-commission sa US Navy bilang USS Crestview (PCE 895) noong October 1943, bago ito na-commission sa Philippine Navy noong July 1976.
Sinabi ni Bacordo, susunod na ang isa pang kahalintulad na “patrol craft escort” ngayon taon at magtutuloy-tuloy hanggang sa mairetiro na ang lahat ng lumang barko ng Navy.
Paliwanag ni Bacordo, kakailanganin kasi ang mga crew ng mga lumang barko para magmando sa mga darating na bagong barko dahil hindi naman nagdagdag ng personnel ang Philippine Navy.
Ang mga ireretirong barko ay hindi naman masasayang dahil aalisin nila ang lahat ng puwede pang pakinabangang kagamitan bago ipasubasta bilang scrap metal ang mga kaha nito.